Umaasa si Finance Secretary Ralph Recto na higit sa 6% ang 3rd quarter economic growth ng bansa.
Sa panayam kay Recto sa Asia CEO awards, sinabi nito na dahil sa nakuhang pinakamababang inflation na nasa 1.9 %, possible na nasa 6 % ang paglago sa ikatlong bahagi ng taon.
Mas mababa ito sa 6.3 % na paglago nuong 2nd quarter ngunit mas mataas naman sa 5.9 % sa parehas na buwan nuong 2023.
Paliwanag ng kalihim, maliban sa inflation, possibleng itulak din ng household consumption ang target na paglago.
Samantala, nirepaso ng World Bank ang kanilang growth outlook para sa 2024 at 2025 dahil sa mas paborableng economic condition ng bansa.
Para sa 2024, umakyat ito sa 6 % mula sa dating pagtaya na 5.8 % habang sa 2025 naman ay 6.1 % mula sa dating 5.9 %. | ulat ni Melany Reyes