Ikinaantala ng biyahe pa-Maynila ng isang Cebu Pacific flight sa Negros Occidental ang naging usapan sa pagitan ng dalawang pasahero nito kahapon ng umaga dahil sa tinukoy ng mga ito na “watusi” — isang uri ng paputok, na bawal sa mga eroplano.
Ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), narinig ng isang flight crew ang dalawang pasahero na pinag-uusapan ang “watusi” kaya agad nilapitan ng crew ang dalawa upang linawin ang kanilang usapan.
Ipinaliwanag naman ng mga ito na ang tinutukoy nilang “watusi” ay isang condom sa gay lingo.
Humingi naman umano ng paumanhin ang mga nasabing pasahero sa naging kalituhan pero bilang pag-iingat, nagdesisyon ang airline na pababain ang lahat ng pasahero at kargamento upang magsagawa ng K9 inspection at security paneling.
Matapos ang masusing pagsusuri, pinayagan na muling makalipad ang eroplano at ang mga pasahero nito patungong Maynila, habang ang dalawang pasahero ay hindi muna pinasakay at ni-rebook na lamang ng flight kinahapunan.| ulat ni EJ Lazaro