Sa pamamagitan ng kaniyang legal counsel na si Atty. Martin Delgra, ipinaabot ng dating Pang. Rodrigo Duterte na hindi siya makakadalo sa pagdinig ng Quad Committee bukas.
Nakasaad sa liham na ipinadala kay QuadComm lead chair Robert Ace Barbers, October 20 lang natanggap ng dating pangulo ang imbitasyon na dumalo sa hearing ng QuadComm na nakatakda ngayong October 22.
Ayon kay Atty. Delgra, sa kabila ng pagnanais na dumalo ng dating pangulo ay hindi ito makakapunta dahil sa short notice.
October 17 lang din kasi aniya nakalipad ang dating pangulo mula Manila pauwi ng Davao kung saan ipinadala ang imbitasyon.
Dahil din aniya sa katandaan ng dating pangulo at ilang pagtitipon na kaniyang naunang dinaluhan, sumama ang kaniyang pakiramdam at nais munang magpahinga.
Siniguro naman ni Atty. Delgra na dadalo pa rin ang dating pangulo sa mga susunod na pagdinig ng komite at kung maaari ay pagkatapos na ng November 1. | ulat ni Kathleen Forbes