Bukod sa pagpapalawak ng mga benepisyo para sa mga miyembro nito, tuloy-tuloy na ring isinusulong ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang digitalisasyon sa sistema nito.
Ayon kay PhilHealth President at CEO Emmanuel Ledesma Jr., nakatutok sila sa digital transformation para mapalawak pa ang access ng mamamayan sa mga serbisyo ng PhilHealth, lalo na para sa mga nasa malalayong lugar.
Kasama sa target ng ahensya ang ‘full digitalization’ bago matapos ang administrasyong Marcos.
Ayon kay PhilHealth Senior Vice President at Chief Information Officer Jovita Aragona, nakikipagtulungan na sila sa Department of Information and Communications Technology (DICT) para mapabilis ang digitalisasyon sa ahensya.
Sa ngayon, nasa procurement phase na ang automation sa PhilHealth.
Kasama rin sa itinutulak ng PhilHealth ang paggamit ng artificial intelligence sa validation para mabawasan ang mga kaso ng fraud.
Ayon sa PhilHealth, walang tigil ang kanilang agresibong pagtutulak ng digitalisasyon alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang higit na mapadali ang membership at paghahatid ng kanilang serbisyo sa mas maraming Pilipino. | ulat ni Merry Ann Bastasa