Welcome kay Senador Sherwin Gatchalian ang hatol na guilty ng Manila Regional Trial Court branch 11 laban sa mga suspek sa hazing incident na nauwi sa pagkamatay ng UST student na si Horacio ‘Atio’ Castillo III.
Ayon kay Gatchalian, nakamit na rin ang hustisya para kay Atio kahit pa naging mahaba at mahirap ang paghihintay para sa hustisiya.
Matatandaang ang pagkamatay ni Atio ay nagresulta sa pagsasabatas ng Anti Hazing Act of 2018 (RA 11053).
Sa kabila nito, ilang mga kabataan pa rin ang naging biktima at nasawi dahil sa hazing.
Mula 2014 hanggang 2024, umabot sa 17 ang napaulat na namatay dahil sa hazing at ang pinabagong kaso nga ay ang pagkamatay ng isang grade 11 student mula sa Nueva Vizcaya.
Kasabay aniya ng paghahanap ng hustisya para sa ibang mga biktima at dapat ring tiyakin ng mga paaralan at law enforcement agencies na tuluyan nang masusugpo ang hazing.
Dapat aniyang wala nang Pilipino ang mamatay nang dahil sa walang kabuluhang karahasan.| ulat ni Nimfa Asuncion