Umaasa si Senador Juan Miguel Zubiri na magsisilbing babala sa lahat ng fraternities at mga organisasyon ang “guilty verdict” ng korte laban sa mga suspek sa pagkamatay ng hazing victim na si Horacio ‘Atio’ Castillo III.
Ayon kay Zubiri, ipinapahiwatig ng hatol na ito na dapat nang tuldukan ang hazing culture dahil mapapanagot sa batas ang sinumang gumagawa pa rin nito.
Para sa senador, nakamit na ang hustisya para kay Atio sa pagpapataw ng parusang “reclusion perpetua” sa mga suspek.
Bagamat umabot ng pitong taon ang paghihintay para sa hatol na ito, umaasa ang mambabatas na makakapagbigay ito ng kaluwagan at ginhawa sa naiwang pamilya ng biktima.
Ipinunto ni Zubiri na ang kaso ni Atio ang nagtulak para mas palakasin ang Anti-Hazing Law sa bansa. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion