Aabot sa halos 180,000 mag-aaral sa Rehiyon 2 ang target na bakunahan ngayong taon sa inilunsad na Bakuna-Eskwela sa buong bansa.
Sa Townhall Meeting nitong Miyerkules, ipinagbigay-alam ni Department of Health (DOH) Region 2 Director Amelita Pangilinan na sa malawakang implementasyon ng school-based immunization, tututukan nila ang pagbibigay ng proteksyon laban sa measles, rubella, tetanus, diphtheria, at human papillomavirus para sa mga mag-aaral sa unang baitang, ikaapat na baitang, at ikapitong baitang sa mga pampublikong eskwelahan.
Inihayag ni Department of Education (DepEd) Region 2 Assistant Regional Director Florante Vergara na mula sa 178,617 na mga mag-aaral, nasa 58,169 dito ang mula sa Grade 1, 55,848 sa Grade 4, habang 64,600 na mag-aaral naman sa Grade 7.
Tiniyak ni RD Pangilinan ang sapat na bakuna upang tuluy-tuloy na maisagawa ang pagbabakuna, at maidadagdag pa rito ang karagdagang suplay na manggagaling sa kanilang central office.
Bago pa man ito pormal na mailunsad noong Oktubre 7 sa buong bansa, tiniyak ng dalawang opisyal ang kanilang puspusang paghahanda, lalung-lalo na sa mga vaccinator.
Nabatid na maliban sa mga vaccinator mula sa DOH at kanilang rural health units, katuwang din sa pagbabakuna ang mga health staff ng mga eskwelahan. | ulat ni April Racho | RP Tuguegarao