Lumobo pa sa dalawang milyong pamilya o katumbas ng 7.9 milyong indibidwal na apektado ng pananalasa ng Bagyong Kristine at ang umiiral pang Super Typhoon Leon ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Batay sa tala ng DSWD Disaster Response Operations Monitoring and Information Center, as of 6am, aabot na sa 65,261 na pamilya o katumbas ng 250,000 na indibidwal ang nananatili sa 1,556 evacuation centers.
Mayroon ding 434,000 na indibidwal ang lumikas rin at pansamantalang nakikitira sa mga kaanak o kakilala.
Umakyat naman na sa 7,914 kabahayan ang napaulat na totally damaged habang nasa 84,000 ang partially damaged.
Kaugnay nito, tuloy-tuloy naman ang pamamahagi ng DSWD ng ayuda sa mga apektadong lugar.
Katunayan, aabot na sa higit ₱635-million ang halaga ng relief resources na naipaabot nito katuwang ang LGUs at NGOs sa mga biktima ng kalamidad.
Nakatutok na rin ang DSWD sa lagay ng mga inilikas sa Batanes dahil sa Super Typhoon Leon. | ulat ni Merry Ann Bastasa