Umabot sa mahigit 5,000 pasaway na motorista ang natiketan ng Land Transportation Office-National Capital Region (LTO-NCR) sa pinaigting na kampanya laban sa traffic violators.
Ayon kay LTO-NCR Regional Director Roque “Rox” Verzosa III, nasa kabuuang 5,769 mga drayber ang nahuli mula Hulyo hanggang nitong Setyembre.
Batay sa datos mula sa LTO-NCR- Regional Law Enforcement Service Traffic Safety Unit, nasa 2,451 ang natukoy na lumabag sa Republic Act (RA) 4136, o ang Land Transportation and Traffic Code.
Kasama rito ang 355 na kaso ng hindi rehistradong mga sasakyan, alinsunod sa polisiya na “No Registration, No Travel.”
Kabilang din sa may pinakamalaking may paglabag ang 888 motorista na nagmamaheno ng mga sasakyang may sira o kulang sa accessories, devices, kagamitan, o bahagi.
Ilan pa sa mga violations ay ang pagmamaneho habang nakasuot ng tsinelas (299), reckless driving (294), hindi pagdadala ng OR/CR habang nagmamaneho (200), obstruction (136), pagmamaneho na walang wastong lisensya (123), ilegal na pagpapalit ng kulay (63), ilegal na pagpapalit ng body (51), sobrang pasahero (42), at hindi pagsunod sa mga traffic signs (23). | ulat ni Merry Ann Bastasa