Walang tigil pa rin ang relief operations ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga lalawigang labis na hinagupit ng bagyong Kristine.
Sa pinakahuling tala ng DSWD, umabot na sa higit ₱364-million ang naipaabot nitong tulong sa mga apektado ng kalamidad.
Nasa kabuuang 712,948 kahon na rin ng family food packs (FFPs) ang naipaabot sa mga pamilyang nasalanta sa 16 rehiyon.
Pinakamarami ang nailaan sa Bicol Region na higit na sa 200,000 food packs na sinundan ng Central Luzon at Calabarzon.
Kaugnay nito, tiniyak ng DSWD na mayroon pang nasa 1.8 milyong kahon ng FFPs ang available at nakalagak sa National Resource Operations Center (NROC) sa Pasay City, sa Visayas Disaster Resource Center (VDRC), Mandaue City, Cebu, at sa iba’t ibang Field Offices na nakahandang ipadala sa mga lugar na nangangailangan ng tulong.
Nakahanda na rin ang ahensya para sa early recovery phase ng mga apektadong residente.
“We are expecting that more assistance will be provided to affected residents within the week. Our DRMG is also preparing for the early recovery phase to help all disaster-affected citizens in restoring their damaged homes,” ayon sa DSWD. | ulat ni Merry Ann Bastasa