Aabot na sa 1.14-milyong kilo ng bigas ang naibenta ng National Irrigation Administration (NIA) sa tuloy-tuloy na pag-arangkada ng Bagong Bayaning Magsasaka (BBM) Rice.
Ayon kay NIA Administrator Eduardo Guillen, sumampa na rin sa higit ₱33-milyong halaga ng bigas ang naibenta sa higit 114,000 na mga senior citizens, persons with disabilities (PWDs), at 4Ps.
Sumasalamin naman aniya ito sa malaking kontribusyon ng programa para makapaghatid ng mas murang bigas sa mga mahihirap na Pilipino.
Ang mga naibentang bigas ng NIA ay mula sa 38,000 ektarya na bahagi ng contract farming program sa iba’t ibang Irrigators’ Associations (IAs) sa bansa.
“To date, the NIA contract farms have produced 55,011 metric tons (MT) of palay, and from October 1 to December 30, 2024, these are expected to produce an additional 110,414 MT,” pahayag ni Administrator Guillen.
Ngayong wet season, aabot sa 742 na mga IAs at Farmers’ Cooperatives and Associations (FCAs) ang lumahok sa contract farming program.
Target ng NIA na palawakin pa ang contract farming nito para sa 2024-2025 dry season. | ulat ni Merry Ann Bastasa