Iginagalang ng Quad Comm ang plano ng Senado na magkasa rin ng hiwalay na imbestigasyon tungkol sa ‘war on drugs’ ng nakaraang administrasyon, partikular sa sinasabing reward system.
Ayon kay Sta. Rosa City Rep. Dan Fernandez, co-chair ng Quad Comm, karapatan ng Senado na imbestigahan ang isyu.
Karapatan din aniya ng mga senador na nadadawit sa isyu na magsalita sa gagawing pagsisiyasat.
Ang taumbayan na rin aniya ang bahala humusga sa mga salaysay at ebidensya.
“Well, it is also their right to be there in their own investigation. I can accept that. Being a part of the legislative processes, being a senator. Mas okay nga ‘yun eh. Although, siyempre, kapag naging biased sila sa investigation nila, makikita naman ng taumbayan. And it is also their right to speak in their own investigation. And maybe the evidences… will prove them wrong. I think the best ammunition here is ‘yung ebidensya na nagsasalita… So if ever they will lie about this payment on the extra judicial killings, then let the people construe that,” saad ni Fernandez.
Iginagalang din ng mambabatas ang pagtanggi nina Sen. Ronald dela Rosa at Sen. Bong Go sa mga alegasyong ibinato ni dating PCSO General Manager Royina Garma laban sa kanila.
Ang pinagkaiba lang aniya, ang mga pahayag ni Garma ay nasa isang sinumpaang salaysay na kung siya ay magsisinungaling ay maaari siya maharap sa kaso.
“Words nila ‘yun eh. But of course itong kila Royina Garma, this was under oath. At the same time, mayroon siyang affidavit na sinasabi niya na talagang nagkaroon ng payment. And we heard about these different kind of issues that there was indeed a payment being given. Even si Colonel Marcos, doon sa kanyang testimony doon sa hearing, mayroon din siyang nasabi to the effect of paying ‘yung atin pong officers…‘Yun ang mahirap kapag sa outside tayo nagsasalita, we can say anything that we wanted. But of course, kapag nandoon na tayo sa hearing, nandoon na ‘yung repercussion that cases can be filed against you, dahil nga syempre ano na tayo, under oath na po tayo,” dagdag ni Fernandez.
Sa salaysay ni Garma mayroong P20,000 hanggang P1 million pabuya sa mga pulis na makakapatay ng drug suspects salig sa tinatawag na Davao model. | ulat ni Kathleen Forbes