Ikinalugod ni House Ad Hoc Committee on Marawi Rehabilitation and Victims Compensation Chair Zia Alonto Adiong ang bilin ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Office of the Presidential Adviser for Marawi Rehabilitation, na bilisan ang pagbabalik ng maayos na supply ng kuryente at tubig sa Marawi.
Mahalaga aniya ang pagpapanumbalik ng mga serbisyong ito para matugunan ang hamon na hinaharap sa tuluyang pagbangon ng kanilang minamahal na lungsod.
Ipinapadama aniya ng hakbang na ito ng Pangulo sa mga residente ng Marawi na sila ay nakikita, naririnig, at sinusuportahan.
“This marks another great stride toward a Bagong Pilipinas of genuine and lasting peace. It brings us closer to the day when Marawi will stand stronger than ever, fully restored, and its people empowered to rebuild their lives with dignity and hope,” sabi ni Adiong.
Nangako rin ang Lanao del Sur solon na titiyakin nilang maisasakatuparan agad ang direktiba ng Presidente at magkaroon ng konkretong aksyon para sa tuluyang rehabilitasyon at paghilom ng Marawi. | ulat ni Kathleen Jean Forbes