Asahan pa rin ang ‘maximum police presence’ sa mga tanggapan ng Commission on Elections (COMELEC) ngayong huling araw na ng paghahain ng Certificates of Candidacy (COC).
Ito’y ayon sa Philippine National Police (PNP) kasunod ng inaasahang pagdagsa ng mga nagnanais pang humabol sa paghahain ng kanilang kandidatura sa kani-kanilang lokalidad sa bansa.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, PCol. Jean Fajardo, pinaigting pa ang inilatag na mga checkpoint partikular na sa mga lugar na mainit ang tunggaliang politikal katuwang ang Armed Forces of the Philippines (AFP).
Kasunod niyan, umapela naman ang PNP sa mga tagasuporta ng bawat kandidato na manatiling mahinahon at panatilihing mapayapa, at maayos ang huling araw ng paghahain ng kandidatura.
Hangga’t maaari, iwasan ang pambubuyo upang hindi maging mitsa ng pikunan na kalauna’y mauwi sa gulo at karahasan.
Samantala, kahapon din, bumaba na ang resolusyon mula sa National Police Commission (NAPOLCOM) na nag-aakyat kay Fajardo bilang Police Brigadier General na isang one-star rank. | ulat ni Jaymark Dagala