Isa sa mga naghain ngayong hapon ay ang Babae Ako Party-list, na pinamumunuan ni Rossel “Shantal D.” Dimayuga bilang kanilang first nominee. Nakatuon ang grupo sa pagbibigay suporta sa mga kababaihan, lalo na sa panahon ng pagbubuntis. Ipinahayag din nila ang kanilang pagtutol sa divorce at abortion bilang bahagi ng kanilang adbokasiya.
Sumunod na naghain ang Magsasaka Party-list, sa pangunguna ni Revor Lasay bilang first nominee. Handang tugunan ng grupo ang mga isyu na matagal nang kinakaharap ng sektor ng agrikultura, kabilang ang imbestigasyon sa RCEP. Sinagot din nila ang mga tanong ukol sa sigalot sa kanilang grupo na umabot na sa Korte Suprema.
Samantala, ang Kasambahay Party-list ay layunin umanong palakasin pa ang proteksyon ng mga kasambahay. Ayon sa kanilang pahayag, sampung taon na mula nang maipasa ang Kasambahay Law, ngunit kinakailangan na raw itong amyendahan upang mas maging epektibo, lalo na sa pagbibigay ng pananagutan sa mga barangay officials na hindi umaaksyon sa mga reklamo ng mga kasambahay.
Isa rin sa mga naghain ngayong araw ay ang Katropa Party-list, na nakatutok sa kapakanan ng mga retiradong sundalo, pulis, at mga pribadong sektor. Layunin nilang isulong ang mga benepisyo at karapatan ng mga retirado at kanilang mga dependents.
Inaasahan pa na marami pang party-list groups and orgranizations ang maghahain ng kanilang CON-CAN hanggang October 8 dahil ayon sa COMELEC ay may 160 party-list itong hihintay na mag-file.| ulat ni EJ Lazaro