Inamin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na noong mayor siya ng Davao at maging nung siya ay pangulo ng Pilipinas ay hinimok niya ang mga pulis na patayin ang mga kriminal kapag humawak ng baril ang mga ito.
Giit ni Duterte, trabaho ng mga pulis na puksain ang mga kriminal sa bansa.
Tinukoy pa ng dating pangulo na bahagi ng ‘death squad’ niya noon sa Davao ang mga dating hepe ng PNP na dumaan sa Davao City Police.
Kabilang dito sina retired General Archie Gamboa, retired General Vicente Danao Jr., at si Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa.
Paliwanag naman ni Danao, sa kanyang tingin niya ay nagbibiro lang ang dating presidente.
Wala rin aniyang direktang utos sa kanila si Duterte na patayin ang isang indibidwal at ganito lang talaga magsalita ang dating pangulo.
Sinabi naman ni Senador Bato ang mga terminong ‘Davao Death Squad’ ay nagsimula lang sa isang napatay na nilagyan ng placard na ‘Davao death Squad’ at mula noon ay ang local media na sa Davao ang nagpakalat ng pangalan ng grupo at isinisisi dito kapag may napapaslang sa kanilang lugar.| ulat ni Nimfa Asuncion