Sinalaysay ng ilang kaanak ng mga napatay sa war on drugs ng Duterte administrasyon ang karanasan nila noong mga panahong iyon.
Unang nagsalita si Randy delos Santos na tiyuhin ni Kian delos Santos, ang labing pitong taong gulang na binatilyo napaslang noong August 2017 at pinagbintangang nagbebenta ng iligal na droga.
Binahagi ni Delos Santos na batay sa statement na inilabas noon ng PNP, siya at ang tatay ni Kian ay kilalang mga siga sa kanilang lugar at nagbebenta ng iligal na droga sa pamamagitan ni Kian.
Pinabulaanan ito ni Delos Santos at tinawag na kasinungalingan ang pahayag ng PNP.
Noong mga panahong iyon aniya ay nabalot sila ng takot dahil markado na sila sa media at sa publiko, natanggal rin aniya siya sa trabaho dahil sa mga alegasyon.
Giit ng tiyuhin ni Kian na napatunayan na nila sa korte na nagsinungaling ang mga pulis na nakapatay kay Kian at nahatulan na ang mga ito para sa kasong murder.
Kabilang aniya sa utos ng korte ang bayad-danyos para sa kanilang pamilya pero hindi pa nila ito natatanggap sa ngayon.
Tugon naman ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa, na siyang PNP chief nang mamatay si Kian, maging siya ay nagalit sa nangyari kay Kian.
Pero batay aniya sa nakuha niyang impormasyon sa mga pulis noon, nagagamit ang tinadahan nina Kian sa pagbebenta ng iligal na droga.
Ang natatandaan lang rin ni Dela Rosa ay ang tatay ni Kian ang sangkot sa iligal na droga at hindi ang kanyang tiyuhin.
Humarap rin ang biyuda ni Joselito Gonzales na si Christina Gonzales.
Napatay si Joselito noong July 2016.
Aminado si Christina na nagbebenta talaga sila ng iligal na droga mula 2015 pero malakas lang aniya ang loob nila noon dahil galing mismo sa mga pulis ang suplay nila pero tumigil na rin noong June 2016.
July 5, 2016 aniya ay kinuha sa kanilang bahay ang kanyang asawa pero hindi na ito nakauwi hanggang sa nabalitaan na lang niyang nasa morgue na ito.| ulat ni Nimfa Asuncion