Nagpahayag ng kahandaan ang ilang mambabatas na aralin ang pagkakaroon ng panukala kung saan babawalan ang isang kandidato na mayroong kinakaharap na kaso na tumakbo sa eleksyon.
Ito’y bilang reaksyon sa pagahain ng Certificate of Candidacy ng ilang personalidad na may kinakaharap na kaso.
Isa rito si dating Bamban Mayor Alice Guo na nagpahayag ng pagnanais tumakbo na kalaunan ay hindi na itinuloy dahil gusto muna aniya niyang linisin ang pangalan mula sa patung-patong na kaso gaya ng human trafficking.
Ayon kay Manila Rep. Bienvenido Abante, bagamat nakasaad sa batas na maaari pa ring tumakbo ang isang indbidwal basta’t hindi pa pinal ang conviction niya, panahon nang aralin ang paghihigpit sa mga may planong kumandidato sa posisyon.
Tila ginagawa na kasi aniyang mockery o katatawanan ang eleksyon.
Isa sa munkahi niya, kung ang isang indibidwal ay may kinakaharap na kaso dahil sa heinous crime at kinakitaan na ng korte ng probable cause, ay maaaring hindi na siya pahitulutang tumakbo.
Sineguindahan ito ni 1-Rider party-list Rep. Rodge Gutierrez.
Aniya, bukas siyang suportahan ang mungkahi na ito basta’t mayroong probable cause na makita ang korte.
Kung hindi kasi, maituturing itong paglabag sa konstitusyon at maaari ring magamit para siraan ang kalaban sa pulitika.
“…that might be a way to, it might cause more harm than good. Baka ma-preempt po ang mga legitimate qualified candidates just because may case na ganoon. So baka if we explore it more, baka upon finding a probable cause, I might be more towards, I would lean more towards supporting that.” ani Gutierrez
Mas pabor din si Gutierrez kung ang kaso ay moral turpitude dahil ito ang kasong nakasaad na sa Omnibus Election Code.
“Personally, I think the omnibus election code is sufficient in that candidates would be disqualified for final judgment of crimes involving moral turpitude…I think we have a more full-bodied jurisprudence to stick by the standard of moral perpetuity po para hindi na malito-lito.” sabi pa ng mambabatas.
Sa ngayon ang maipapayo na lang ni Gutierrez sa taumbayan ay bumoto ng tama. | ulat ni Kathleen Forbes