May paisa-isa nang nagtutungo sa Bagbag Public Cemetery para maagang bumisita sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Isa rito ang pamilya ni Junior na binisita ngayong umaga ang kanyang namayapang anak na kakatapos lang din ng kaarawan.
Sa tala naman ng Bagbag Cemetery, mayroong 3,553 katao ang bumisita sa sementeryo kahapon.
Sa abiso naman ng admin ng Bagbag Public Cemetery, hanggang ngayong araw na lang, October 29, papayagan ang pagpintura sa mga puntod o apartment niche sa sementeryo habang hanggang bukas naman ng tanghali ang pagpapalibing.
Ito ay para bigyang-daan ang inaasahang dagsa ng mga bibisita sa sementeryo ngayong Undas.
Sa ngayon, bukas ang sementeryo mula alas-6 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi pero maie-extend ito hanggang alas-10 ng gabi simula sa October 31.
Hindi pa rin isinasara ang kalsada papasok ng sementeryo at wala pa ring mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang nakabantay dito.
May ilang nagbebenta na rin ng bulaklak na naglalaro ang presyo sa ₱30-₱70 at kandila na ₱5 hanggang ₱25 ang kada piraso. | ulat ni Merry Ann Bastasa