Handa na ang mga sementeryo sa Lungsod Quezon para sa paggunita ng Undas ngayong taon.
Sa Himlayang Pilipino Memorial Park sa Barangay Tandang Sora, magbubukas na ito sa publiko 24 oras simula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 2.
Maghihigpit na sila sa seguridad sa loob at labas ng sementeryo upang matiyak ang ligtas at maayos na pagdalaw ng mga tao sa kanilang namayapang mahal sa buhay.
Magdadagdag na rin sila ng security personnel na makakatuwang ng Quezon City Police District, Traffic and Transport Management Department, at Department of Public Order and Safety ng QC LGU.
Lilimitahan na rin ang mga maglilinis sa puntod ng hanggang sa Oktubre 15 upang hindi makasagabal sa mga katabi.
Samantala, maghihigpit na rin sa mga papasok na dalaw ang Bagbag Cemetery simula sa Oktubre 30 hanggang Nobyembre 2.
Ang Himlayang Pilipino ay mayroon nang nakalibing na mahigit 46,000 habang humigit-kumulang 300,000 naman sa Bagbag Cemetery sa Novaliches.| ulat ni Rey Ferrer