Kasunod ng lumabas na impormasyon na nag-aakusang isang Chinese spy si dismissed Mayor Alice Guo, sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian na posibleng hindi pa matuldukan ng Senado ang isyu tungkol sa dating alkalde.
Una na kasing sinabi ni Gatchalian na tatapusin na sana nila ang imbestigasyon tungkol sa Bamban, Tarlac POGO hub, kung saan sangkot si Guo, at pagtutuunan na ng pansin ang Porac, Pampanga POGO hub.
Pero dahil aniya sa lumabas na impormasyon mula sa international news channel na Al Jazeera, ay bubusisiin pa nila ang isyu kay Guo.
Posible aniyang ipatawag sa susunod na magiging pagdinig ng Senate Committee on Women ang mga Intelligence at Defense agencies ng bansa para bigyan sila ng paglilinaw sa isyu.
Sinabi naman ni Senate Majority Leader Francis Tolentino na posibleng matanong kay Guo ang alegasyong isa siyang Chinese spy sa susunod na executive session ng Senate panel.
Aminado si Tolentino na nakakaalarma ang impormasyong ito kung totoo.
Itinakda sa October 8 ang susunod na pagdinig ng Senate Committee on Women tungkol sa operasyon ng mga POGO at mga iligal na aktibidad na nakakabit dito. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion