Isang magandang oportunidad para kay Manila Rep. Bienvenido Abante, co-chair ng Quad Committee ang planong imbestigasyon din ng Senado sa ‘war on drugs’ ng nakaraang administrasyon.
Aniya, magsisilbi itong complement sa ginagawa nang pagsisiyasat ng komite.
Kasabay nito, sinabi ng mambabatas na igagalang nila kung pipiliin ng dating Pang. Rodrigo Duterte na sa Senate hearing humarap.
Sa kabila kasi ng mga imbitasyon ng Quad Comm sa dating pangulo ay hindi naman ito dumalo sa kanilang mga pulong.
Ang mahalaga aniya ay makaharap ang dating pangulo at masabi ang kaniyang mga nais sabihin.
“It’s up to him actually… Hopefully, he will come and say what he would like to say. Whatever he will say, babantayan namin ng maigi ‘yan,” ani Abante.
Gayunman, aminado si Abante na duda siya kung magiging patas si Sen. Ronald Dela Rosa sa pagtalakay sa isyu, lalo na at malapit siya sa dating pangulo ay isa siya sa mga central figure sa pagpapatupad ng ‘war on drugs’.
“The thing is, he became the director general of the Philippine National Police during the time of the former president. Just imagine he was only a brigadier general all of a sudden. Nadagdagan siya ng star and naging director general siya. So I would think that he would be more biased than actually balanced in that hearing,” sabi ni Abante.
Umaasa naman si ACT Teachers Party-list Rep. France Castro na hindi ito magamit bilang diversionary tactic at pagtakpan ang katotohanan.
“Sa tingin namin, gusto lamang guluhin ni Sen. Bato ang imbestigasyon na isinasagawa ng Quad Comm. The sincerity and objectivity of this proposed investigation are in question, as it seems to serve as a diversion rather than a genuine effort to uncover the truth,” sabi ni Castro. | ulat ni Kathleen Forbes