Nakatakdang maghahain ng Certificate of Candidacy (COC) bukas si incumbent San Juan City Mayor Francis Zamora bilang alkalde ng lungsod para sa 2025 midterm elections.
Ayon sa Pamahalaang Lungsod ng San Juan, inaasahang makakasama ni Zamora ang kaniyang mga kaalyado sa Team Makabagong San Juan sa paghahain ng COC.
Bago ito, dadalo muna sa isang misa ang alkalde at kaniyang mga kaalyado ng alas-8 ng umaga sa Santuario del Santo Cristo at magsasagawa ng symbolic march patungo sa Comelec San Juan.
Sakaling muling palaring manalo sa kaniyang huling termino, plano umano ni Zamora na ipagpatuloy ang mga programa sa pabahay, free wi-fi services sa mga pampublikong lugar, at digitalization sa mga serbisyo ng lokal na pamahalaan.| ulat ni Diane Lear