Ipinapanukala ni Senate Committee on Basic Education Chairperson Senador Sherwin Gatchalian na magbigay ng insentibo sa pribadong sektor na tutulong sa pagpapaunlad ng pampublikong edukasyon sa bansa.
Sa inihaing Senate Bill 2731 o Adopt-a-School Bill ni Gatchalian, aamyendahan ang Republic Act 8525 para paigtingin ang ugnayan sa pagitan ng mga paaralan at mga industriya sa bansa, lalo na pagdating sa pagbibigay ng trabaho sa mga senior highschool graduates.
Iminumungkahi ng panukala ang dagdag na kaltas na katumbas ng 50 percent ng gastos sa labor training para sa scholarships sa mga guro at skills development ng mga enterprise-baded trainees, gaya ng itinatakda ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act o ang CREATE Law (Republic Act No. 11534).
Nakasaad rin dito na may dagdag na kaltas na katumbas ng 20 percent ng mga sahod ng senior highschool graduates na bibigyan ng trabaho.
Hindi naman papatawan ng Customs duties, Value-Added Tax, Excise Tax, Donor’s Tax, at iba pang mga buwis ang mga donasyon sa mga pampublikong paaralan sa ilalim ng Adopt-a-School Program.
Bibigyang prayoridad sa programa ang mga paaralan sa fourth at fifth class municipalities at mga local government units (LGUs) na may mataas na kakulangan sa pondo, gamit, at may mataas na bilang ng mga high-performing pero nangangailangang mga mag-aaral. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion