Itinuturing na isolated case ng Philippine National Police (PNP) ang nangyaring pamamaril sa Shariff Aguak sa Maguindanao na ikinasugat ng tatlong indibidwal.
Ito’y sa kasagsagan ng paghahain ng Certificates of Candidacy (CoC) ng mga nagnanais tumakbo para sa Halalan 2025.
Nabatid sa ulat ng Joint Task Force Central (JTF-Central) ng Armed Forces of the Philippines (AFP), tatlo ang nasugatan sa nangyaring indiscriminate firing sa munisipyo ng bayan sa Brgy. Poblacion.
Nag-ugat ang gulo sa away sa pagitan ng dalawang grupo sa tanggapan ng COMELEC sa lugar na nagresulta sa 15 minutong palitan ng putok sa mga awtoridad matapos itong rumesponde.
Nasa ligtas nang kalagayan ang tatlong nasugatan sa insidente matapos malapatan ng atensyong medikal.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, PBGen. Jean Fajardo, bagaman itinuturing nilang isolated ang insidente, kanila pa rin itong isasailalim sa validation at aalamin kung paano ito makaaapekto sa halalan.
Una riyan, sinabi ni COMELEC Chairperson George Erwin Garcia na hindi ito nakaapekto sa filing ng CoC kahapon (October 8) dahil agad silang nakapaglatag ng satellite office hindi kalayuan sa pinangyarihan ng pamamaril.
Sa kabuuan, sinabi ni Fajardo na pangkalahatang naging mapayapa ang huling araw ng paghahain ng kandidatura para sa Halalan 2025. | ulat ni Jaymark Dagala