Pinangunahan ni Department of Energy (DOE) Secretary Raphael Lotilla ang delegasyon ng Pilipinas para sa pagpapatibay ng diplomatic at business connection ng bansa sa UAE, partikular na sa pamumuhunan sa renewable at clean energy.
Kasama ang mga top executive mula sa Maharlika Investment Corporation at mga pangunahing kumpanya sa enerhiya, nakipagpulong ang mga ito kay Suhail Al Mazrouei, ang Energy Minister ng UAE, at sa mga business leader mula sa Masdar, isang pandaigdigang lider sa renewable energy.
Tinalakay sa mga pagpupulong ang mga potensyal na partnership sa solar, wind, at nuclear energy, kung saan nagpahayag ang Masdar ng interes na mag-develop ng mga proyekto sa Pilipinas.
Binigyang-diin ni Lotilla ang malaking potensyal ng bansa sa investment at ang pagtutulak ng gobyerno para sa malinis na energy transition, kabilang ang hydrogen at small modular nuclear reactors.
Pinapakita ng misyon na ito, ayon sa DOE, ang dedikasyon ng Pilipinas sa energy diplomacy, na layuning tiyakin ang sustainable development at energy security sa ilalim ng pamamahala ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. | ulat ni EJ Lazaro