Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na isa ang nasawi at lima ang sugatan sa insidente ng pamamaril sa Shariff Aguak sa Maguindanao kahapon sa kasagsagan ng paghahain ng Certificate of Candidacy (CoC) para sa Halalan 2025.
Sa isang pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni PNP PIO Chief PBGen Jean Fajardo sa ngayon ang apat sa mga biktima ay nasa maayos na kalagayan at ang isa ay kritikal ang kondisyon.
Sinabi rin ni Fajardo na hindi pa maituturing na election related ang nangyaring karahasan sa Barangay Poblacion, Shariff Aguak dahil ito ay hindi pa pasok sa election period, bagama’t ito ay malinaw na politically-motivated.
Paliwanag ng opisyal na ikinukunsidera na ang insidente na pasok sa yellow category sa usapin ng seguridad dahil kabilang ito sa mga lugar na may pangyayari na politically-motivated, may mainit na banggaan sa politika, at ang posibilidad ng pagkalat ng loose firearms.
Nabatid na tatlo sa mga nasangkot sa insidente ay mula sa kampo ng kasalukuyang alkalde, habang ang tatlo ay mula sa makakalaban nito sa pagka-alkalde sa darating na halalan.| ulat ni Diane Lear