Matapos ang naging pagdinig ng Senado kagabi (October 8), sumuko sa National Bureau of Investigation (NBI) si Merlie Joy Castro, isa sa mga kapwa akusado ni dating mayor Alice Guo sa kasong ‘qualified human trafficking’ kaugnay ng operasyon ng POGO hub sa Bamban, Tarlac.
Sa kanyang pagharap sa Senate hearing, ipinahayag ni Castro ang pangamba sa magiging hinaharap ng kanyang mga anak ngayong kailangan na niyang harapin ang kasong isinampa sa kanya.
Itinanggi rin ni Castro na isa siyang co-incorporator ng Hongsheng Gaming Technology Inc. o ang POGO hub sa Bamban.
Nanindigan itong biktima lang siya ng identity theft o nagamit ang kanyang pagkakakilanlan nang walang pahintulot.
Iginiit din ni Castro na wala siyang pinirmahan na anumang dokumento na may kinalaman sa Hongsheng at katunayan ay hindi pa siya nakakapunta sa POGO hub sa Bamban.
Nagpasalamat naman si Senate Committee on Women Chairperson Sen. Risa Hontiveros kay Castro para sa pagsuko nito. | ulat ni Nimfa Asuncion