Giniit ni Senator Loren Legarda na dapat gawing election issue ang mga paksa kaugnay sa disaster risk reduction o mga hakbangin upang mabawasan ang panganib sa epekto ng kalamidad.
Ayon kay Legarda, mahalagang maitanong sa mga kandidato at maging sa mga lokal na opisyal kung ano ang plano nila para mabawasan ang epekto ng kalamidad sa bansa.
Pinunto ng mambabatas, na malaking bahagi pa naman ng pondo ng pamahalaan ang napupunta sa mga ayuda para sa mga biktima ng kalamidad at sakuna.
Gayundin sa rehabilitasyon ng mga lugar na nasisira ng mga bagyo o sakuna.
Kung matutugunan aniya ang paghahanda sa mga kalamidad at sakuna ay mababawasan ang paggamit ng pondo sa pagtugon sa mga ito, at mailalaan pa sa development ng mga proyekto para sa ikauunlad ng Pilipinas at sa edukasyon ng mga batang Pilipino.
Kaugnay nito, binigyang diin ni Legarda na mahalaga ang naging papel ng bansa bilang host ng Asia Pacific Ministerial Dialogue on Disaster Risk Reduction bilang ang Pilipinas ang isa sa pinaka bulnerable sa pagbabago ng klima at kalamidad. | ulat ni Nimfa Asuncion