Nasa may 442 ng OFW mula sa Lebanon ang nakauwi na sa bansa. Base ito sa datos na ibinahagi ng PCO na kung saan, 28 mga dependents ang kasama ng nabanggit na bilang ng mga kababayan nating nakabalik na sa bansa mula Lebanon.
Ngayong araw, Oktubre 12, nasa 9 na indibidwal ang ligtas na nakabalik sa Pilipinas sa gitna ng isinasagawang repatriation program ng pamahalaan.
Kabilang dito ang isang OFW na agad na dinala sa ospital sakay ng ambulansya ng OWWA dahil sa kondisyong medikal.
Bukod dito, 37 pang Pilipino ang nakatakdang umalis mula Beirut patungong Istanbul ngayong araw sa tulong naman ng Canadian government.
Pagdating sa Istanbul ay inaasahang sasalubungin sila ni Ambassador Henry Bensurto at mga opisyal ng Konsulado ng Pilipinas.
Inaasahang darating ang mga ito sa Maynila, Lunes ng gabi.| ulat ni Alvin Baltazar