Isinapinal na ng small committee na binuo ng Kamara ang pagbawas sa panukalang pondo ng Office of the Vice President para sa 2025.
Ito ang kinumpirma ni Appropriations committee chair Elizaldy Co kasunod ng inaprubahang committee at individual amendments ng small committee para sa P6.352 trillion proposed national budget para sa susunod na taon.
Ang P1.3 billion na halagang ibinawas ay inilipat naman sa DOH at DSWD.
P646.5 million ay inilaan sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program ng DSWD at dagdag na P646.5 million din ang inilipat para naman sa Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) program ng DOH.
Matatandaang mula sa P2.037 billion na ipinapanukalang pondo ng OVP, ibinaba ito ng komite sa P733 million na lang dahil anila sa overlapping at redundant expenses sa mga programa ng OVP na ipinapatupad naman na ng ibang ahensya.
Makakatipid din ani Co sa gastos ng rental spaces ng satellite office ng OVP na nagkakahalaga ng P53 million.
“These satellite offices are performing functions that should fall under existing government agencies, leading to unnecessary duplication and higher costs. By eliminating redundant roles, government can save as much as P1.3 billion, which constitutes a significant portion of the OVP’s proposed P2.037 billion budget for 2025. The House believes this amount could be more effectively allocated to existing agencies, enabling them to extend their services to the public more efficiently,” giit ni Co.
Naniniwala si Co na mas epektibong maipapatupad ang mga programa at mas mapakikinabangan ang social services kung ang angkop na ahensya ang gagawa nito bukod pa sa mas magiging episyente ang pamamahala ng gobyerno
“Consolidating these responsibilities under the appropriate departments would not only eliminate costs associated with maintaining satellite offices but also streamline service delivery, reducing administrative overlap and minimizing confusion among beneficiaries,” saad pa niya. | ulat ni Kathleen Forbes