Plano ng Department of Agriculture (DA) na ituloy na ang pagpapalawak ng Kadiwa ng Pangulo program sa Visayas at Mindanao ngayong Oktubre.
Ayon kay DA Assistant Secretary Genevieve Velicaria-Guevarra, kabilang sa posibleng magbukas na rin ng Kadiwa ng Pangulo ang Cagayan de Oro at Cebu.
Dagdag pa nito, mas maraming lokal na pamahalaan na ang interesadong makipagtulungan sa DA para sa pagpapatupad din ng Rice for All at ₱29 program sa kanilang mga lokalidad.
Ito ay para mabigyan ng access ang mas maraming Pilipino sa mas murang bigas.
Ililipat naman sa Kadiwa ng Pangulo ang mga nakatayo nang Kadiwa sites sa Western, Central, at Eastern Visayas.
Sa kasalukuyan, mayroon nang 41 Kadiwa ng Pangulo sites sa Luzon.
Una na ring sinabi ni DA Secretary Francisco Tiu-Laurel na itutuloy ang pagpapalawak ng Kadiwa ng Pangulo hanggang sa magkaroon ng isang tindahan ng Kadiwa sa bawat isa sa 1,500 munisipalidad sa bansa. | ulat ni Merry Ann Bastasa