Nagsimula nang magbenta ng murang bigas sa Kadiwa ng Pangulo sa Barangay Hall ng Brgy. Daang Bakal sa lungsod ng Mandaluyong ngayong umaga.
Pinangunahan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel ang pagpapasinaya sa bagong Kadiwa site na kabilang sa 20 bagong puwesto para sa mga murang bilihin.
Sinamahan siya ni DA Spokesperson, Assistant Secretary Arnel de Mesa gayundin ng iba pang mga opisyal ng kagawaran, lokal na pamahalaan, at barangay.
Dito, makabibili ng ₱43 kada kilo ng bigas para sa Rice-for-All kung saan walang limit kung ilang kilo ang maaaring bilhin.
Habang mayroon din ditong ₱29 na murang bigas para sa mga vulnerable sector gaya ng senior citizens, persons with dissability (PWDs), Solo Parents, at 4Ps beneficiary.
Ayon naman sa lokal na pamahalaan ng Mandaluyong, hindi lamang mga taga-Brgy. Daang Bakal ang maaaring makinabang sa Kadiwa kundi ang lahat ng mga residente.
Bukas ang Kadiwa store sa Mandaluyong City araw-araw mula alas-6 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali at muling magpapatuloy mula alas-3 ng hapon hanggang alas-6 ng gabi.
Ayon kay Sec. Tiu-Laurel, asahan nang madaragdagan pa ang mga Kadiwa store sa iba’t ibang bahagi ng bansa bago ang taong 2028. | ulat ni Jaymark Dagala