Binigyang-diin ni Senate Majority Leader Francis Tolentino ang kahalagahan ng pagkakaroon ng provincial evacuation centers sa panahon ng sakuna.
Sa gitna ng pananalasa ng bagyong Kristine sa Bicol, inihayag ni Tolentino na mahalaga ang pagkakaroon ng provincial evacuation centers, para mabigyan ang mga lokal na pamahalaan at rescuers ng karagdagang option kung saan ligtas na madadala ang mga apektadong residente.
Binahagi ng Office of Civil Defense (OCD) ng Bicol na aktibong nagagamit ang provincial evacuation centers ng rehiyon sa rescue at relief operations.
Itinuturing ang Bicol bilang isa sa pinaka-’disaster prone’ na rehiyon ng bansa, dahil sa lokasyon nito na madalas daanan ng mga bagyo at dahil sa presensya ng mga aktibong bulkan.
Kaya naman sa taunang budget mula noong taong 2022 ay itinulak ng senador ang konstruksyon ng provincial evacuation centers sa Camarines Norte (Vinzons), Camarines Sur (Pamplona), Sorsogon (Juban), Masbate (Pio V. Corpuz), at Catanduanes (Bagamanoc).
Samantala, nanawagan rin si Tolentino sa mga grupo at indibidwal na nais magpaabot ng tulong na nakipag-ugnayan sa mga ahensya ng gobyerno nang mapabilis ang relief operations para sa mga kababayan natin sa Bicol. | ulat ni Nimfa Asuncion