Nagsagawa na ng bahay-bahay na pagbisita at ‘kamustahan’ ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para i-validate at i-assess ang may 1,500 decommissioned combatants ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Davao region.
Ayon kay DSWD Undersecretary for Inclusive-Sustainable Peace and Special Concerns Alan Tanjusay, ang home visits ay pinasimulan noong Oktubre 4 na magtatapos sa 11.
Bahagi ito ng re-engagement activities ng ahensya para sa mga decommissioned combatant, upang makita mula dito ang mga lugar na kailangan ng suporta para sa unti-unting pagpapanumbalik sa normal na pamumuhay.
Nauna rito, nagkaroon ng courtesy call sa pagitan ni Undersecretary Tanjusay at local government officials ng Davao City, Davao Oriental, Davao de Oro, Davao del Norte, at Davao Del Sur nitong October 1-3 bilang paghahanda sa gagawing region-wide visits.
Bukod dito, nagsagawa din ng three-day preparatory dialogue ang mga provincial government official, upang matiyak ang suporta at re-engagement activities para sa mga DCs na nasa loob ng kanilang hurisdiksyon.
Ang re-integration activities ay isinagawa ayon sa Comprehensive Agreement on Bangsamoro (CAB) sa pagitan ng gobyerno at MILF. | ulat ni Rey Ferrer