Sinabi ni Senate President Chiz Escudero na hamon sa mga korte sa bansa na madesisyunan kaagad ang mga kaso laban kay dismissed Mayor Alice Guo.
Ito ay sa gitna ng katotohanan na maaari pa ring maghain ng certificate of candidacy (COC) si Guo kung sakali dahil wala pang pinal na desisyon sa mga kasong kinakaharap niya.
Ayon kay Escudero, nasa kamay na ng mga husgado at korte ang magiging kapalaran ni Guo.
Samantala, hinikayat naman rin ni Escudero ang Commssion on Elections (COMELEC), maging ang ating mga kababayan, na maging alerto at mabusisi sa mga kakandidato para sa 2025 elections para maiwasan nang magkaroon isa pang Alice Guo na tatakbo sa public office.
Pinaliwanag ng Senate leader na sa ilalim ng batas ay ministerial lang ang tungkulin ng COMELEC sa pagtanggap ng mga COC ng mga kandidato.
Hindi aniya pwedeng bigyan ng poll body ng kapangyarihan na magbasura ng COC para na rin maiwasang magamit ito ng sinumang nakaupo na harangan ang kandidatura ng sinumang ayaw nila.
Pinunto ni Escudero na mayroon namang proseso para ma-disqualify ang isang kandidato.| ulat ni Nimfa Asuncion