Lumagda sa isang kasunduan ang Philippine Aerospace Development Corporation, Philippine Space Agency, National Development Corporation, Philippine Air Force, Japan Aerospace Exploration Agency, at Golden Medjay Defense Incorporated para sa paglikha ng locally-made na satellite.
Pinangunahan ng mga kinatawan ng naturang kumpanya ang paglagda sa Memorandum of Understanding sa San Juan City ngayong araw.
Ayon kay PADC President and CEO Raymond Mitra, mahalaga ang pagkakaroon ng sariling satellite ng bansa para sa seguridad nito.
Sa pamamagitan aniya nito, mapoprotektahan ang mahahalagang impormasyon ng bansa dahil hindi magkakaroon ng access o panghihimasok ang mga foreign satellite.
Sinabi naman ni Vicrod Brozas, direktor ng Golden Medjay Defense Incorporated, mahalaga rin ito para sa sektor ng agrikultura dahil makapagbibigay ito ng impormasyon tungkol sa mga angkop na pananim sa iba’t ibang lugar.
Katuwang ng mga nabanggit na kumpanya at ng pamahalaan ang 27 Filipino engineers sa pagdisenyo at pagbuo ng Filipino-made satellite.
Target naman na mapalipad ang locally-made satellite sa kalawakan sa loob ng 18 buwan. | ulat ni Diane Lear