Humarap sa Quad Committee ang self-confessed drug lord na si Kerwin Espinosa sa ika-walong pagdinig ng komite.
Aniya, nais lamang niyang makamit ang katotohanan at hustisya para sa pinaslang na ama na si dating Albuera Mayor Rolando Espinosa.
Dito, muli siyang humingi ng tawad kay dating Senator Leila De Lima na kaniyang idinawit sa iligal na droga dahilan para makulong ang dating mambabatas.
Aniya, nagpauto siya sa mga nag-utos sa kaniya na idamay si De Lima dahil sa takot na mapatay rin.
“Una sa lahat, humihingi ako — kung Ma’am, kung nagsubaybay ka ngayon sa hearing dito sa quad comm, patawarin niyo po ako na nadala sa o nauto-uto sa panahon na ‘yon, na idamay ka po na walang katotohanan naman at ang picture na ‘yon, nagkataon lang na pumasyal ang pamilya ko sa Baybay at nagkita tayo, at nagpa-picture ako, ‘yon ang ginawa nilang ebidensya” sabi ni Espinosa.
Mensahe naman ni Espinosa kay Senator Ronald ‘Bato’ Dela Rosa na noo’y PNP Chief, na huwag nang gumawa ng mga kwento na ikakapahamak ng ibang tao.
“Sir Bato dela Rosa, sana po magbago na tayo, na iwasan natin na gumagawa lang ng scenario dahil sa pulitika na masira ang isang tao kasi hindi ka-alyado natin, iwasan na po natin at ‘wag na nating gawin na pilitin na gumawa ng kwento para lang ma-pin down ang isang tao, ‘yon lang po ang mabigay ko kay Senator dela Rosa.” ani Espinosa
Sa paglalahad ni Espinosa, ang dating PNP chief ang kumausap sa kaniya para idiin ang ilang personalidad sa iligal na droga gaya ni De Lima at Peter Lim gayundin ay sabihin na sangkot din siya sa iligal na droga, dahil kung hindi ay matutulad aniya siya sa sinapit ng ama.
Panawagan pa ni Espinosa sa dating Pangulong Duterte, na i-validate muna ang mga ulat na matatanggap upang walang ibang taong masaktan
“At sa ating Pangulo noon, ang ma-ano ko lang […] Mr. Duterte, sana po i-validate niyo po bawat report na marinig niyo sa inyong paligid na ganito, gan’yan, gan’yan […] i-validate niyo nang maigi para walang taong masaktan” dagdag niya. | ulat ni Kathleen Forbes