Sinuspende na ng Pamahalaang Panlalawigan ng Samar ang klase sa lahat ng antas sa pribado at pampublikong mga paaralan. Suspendido na rin ang trabaho sa lahat ng opisina ng gobyerno sa Probinsya ng Samar ngayong araw ng Martes dahil sa Tropical Storm Kristine.
Base sa ibinabang Tropical Cyclone Bulletin no.5 ng Pag-asa, isinasailalim pa rin sa Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No.1 ang buong probinsya kung saan inaasahan ang malalakas na pag-ulan at hangin, lalo na sa mga baybaying dagat at bulubunduking bahagi ng lalawigan.
Pinaaalalahanan ni Gobernador Tan ang publiko na manatiling mapagmatyag, subaybayan ang mga opisyal na ulat, at maghanda ng nararapat na mga hakbang para sa kaligtasan sa panahon ng bagyo. | ulat ni Charmaine Perito | RP1 Calbayog