Patuloy ang Marcos Administration sa pagbibigay ng access at pag-angat ng kalidad na edukasyon sa bansa, para sa mga Pilipinong mag-aaral.
Dahil dito, siniguro ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na hindi bubuwisan ang mga kontribusyon, donasyon, at grant na matatanggap ng Department of Education (DepEd), para sa ARAL Program.
Pahayag ito ng Pangulo, makaraang opisyal na malagdaan ang Republic Act. No. 12028 o ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program.
Ito ang programa kung saan makakatanggap ng libreng tutoring session ang mga estudyante na nahihirapan sa kanilang aralin, partikular sa pagbabasa, sa mathematics, science, at iba pa.
Sabi ni Pangulong Marcos, mapa-cash o in-kind man, exempted sa donor’s tax ang mga ipagkakaloob na grant sa programa sa pamamagitan ng Department of Education.
“Lastly, any donation, contribution, or grant made to the ARAL Program through the DepEd—whether in cash or in-kind—shall be exempt from the donor’s tax and considered allowable deductions from the donor’s gross income.” -Pangulong Marcos.
Sa ganitong paraan ayon sa Pangulo, mahihikayat pa ang mga kabalikat ng pamahalaan na mamuhunan sa sektor ng edukasyon sa bansa, na mag-aangat naman sa kalidad ng edukasyon at sa buhay ng mga Pilipino sa pangkabuuan.
“This initiative is designed to encourage support and partnership from individuals and organizations dedicated to uplifting the quality of education in the Philippines.” -Pangulong Marcos. | ulat ni Racquel Bayan