Pinakokonsidera ngayon ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro na i-waive o huwag nang singilin ng bayad sa kuryente ang mga kabahayang pinakatinamaan ng Bagyong Kristine.
Giit ng mambabatas, panahon ngayon na maging ‘compassionate’ sa mga biktima ng bagyo na hirap sa pagbangon mula sa kalamidad.
Ito ay kasunod ng panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa electric companies na gawing utay-utay ang pagbabayad sa kuryente sa mga sinalantang lugar.
“Many families are already suffering, having lost loved ones and livelihoods to Typhoon Kristine. It is only humane to relieve them of the burden of their electricity bills during such a difficult time,” ani Castro.
Sabi pa ni Castro, hindi naman din malulugi ang electric companies kapag winaive ang bayad sa mga todong nasalanta.
Kasabay nito binigyang halaga ng mambabatas ang mabilis na pagkukumpuni ng koneksyon ng kuryente upang mas maging mabilis ang pagbangon ng mga tinamaan ng bagyo.
“It is imperative to restore basic utilities to ensure that recovery efforts can proceed unimpeded,” sabi niya. | ulat ni Kathleen Forbes