Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga kinauukulang tanggapan ng pamahalaan na i-mobilize ang lahat ng available na asset ng gobyerno, upang masiguro na ligtas at agad na mapauuwi ang mga Pilipinong naiipit sa kaguluhan sa Israel at Lebanon.
Sa ipinatawag na Zoom meeting ng Pangulo, kasama ang mga kalihim ng National Defense, Foreign Affairs, National Security Council (NSC), at Department of Migrant Workers, tiniyak ng Pangulo na on top of the situation na ang pamahalaan sa gitna ng krisis sa Middle East.
Sabi ng Pangulo, prayoridad ng gobyerno ang kaligtasan at kapakanan ng mga Pilipino sa rehiyon.
Tiniyak rin ni Pangulong Marcos na nakabantay ang pamahalaan sa mga Pilipinong apektado ng krisis sa Middle East.
Kung matatandaan, ngayong araw (October 9) nagpatawag ng Zoom meeting si Pangulong Marcos, upang plantsahin ang repatriation efforts ng gobyerno sa kabila ng kaliwa’t kanang aktibidad na dinadaluhan ng Pangulo para sa ika-44 at 45 ASEAN Summit na ginaganap sa Vientiane, Laos.
Kung matatandaan, bago tumulak patungong Laos, una nang siniguro ni Pangulong Marcos Jr. ang kahandaan ng pamahalaan upang iuwi sa Pilipinas ang higit 40,000 Pilipino sa Israel at Lebanon. | ulat ni Racquel Bayan