Inanunsyo ng Land Bank of the Philippines (LandBank) ang pagbibigay ng agarang tulong pinansyal sa mga negosyo at indibidwal na apektado ng bagyong Kristine.
Sa ilalim ng LandBank CARES Plus (Community Assistance and REintegration Support Plus), ang iba’t ibang sektor kabilang ang mga magsasaka, mangingisda, kooperatiba, micro, small and medium enterprises (MSMEs), malalaking korporasyon, at electric distribution utilities, ay maaaring makakuha ng tulong pinansyal mula sa naturang Loan Program ng LandBank.
Nag-aalok din ng “EasyCash for Emergency” feature para sa mga LandBank credit card holders kung saan maaaring i-convert ang credit limits bilang emergency cash na may flexible repayment options na maaaring bayaran ng hanggang 36 na buwan.
Samantala, maaari namang mag-apply ng Electronic Salary Loan (eSL) ang mga empleyado ng gobyerno at iba pang ahensya na gumagamit ng LandBank payroll services.
Hinihikayat ng LandBank ang publiko na i-maximize ang paggamit ng mga digital banking channels nito tulad ng LandBank Mobile Banking Application (MBA), iAccess, weAccess, Link.BizPortal, at electronic Modified Disbursement System (eMDS) para sa mas ligtas at mabilis na mga transaksyon sa bangko. | ulat ni Jollie Mar Acuyong, RP3 Alert