Inisyuhan na ng Land Transportation Office (LTO) ng Show Cause Order (SCO) ang motorista sa viral video sa Bonifacio Global City (BGC) na tila nagmamaneho ng lasing.
Natukoy na naganap ang insidente noong September 23 sa kahabaan ng 7th Avenue sa Bonifacio High Street at naging viral sa post ng isang “Hombre Estu” na may caption na “drunk driving at BGC.”
Dito, makikita ang drayber na nagmamaneho sa counterflow ng isang one-way street.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II, napaka-iresponsable ng ginawa ng motoristang ito na naglalagay sa alanganin ng buhay ng road users.
Giit nito, hindi palalampasin ang mga ganitong asal sa kalsada.
Batay sa naturang SCO, pinahaharap ang may-ari ng sasakyan at driver sa LTO Central Office sa October 15.
Pinagsusumite rin ito ng written explanation kung bakit hindi dapat mapanagot sa mga kasong Reckless Driving (Sec. 48 of R.A. 4136), Driving While Under the Influence of Liquor o Narcotic Drug (Sec. 53 of R.A. 4136), at Improper Person to Operate a Motor Vehicle pursuant to Sec. 27 (a) of R.A. 4136.
Ayon sa LTO, maaaring humantong ito sa revocation ng driver’s license ng motorista.
“Failure to appear and submit the written comment/explanation as required shall be construed by this Office as a waiver of your right to be heard, and the case shall be decided based on the evidence at hand. In the interim, your driver’s license and the subject motor vehicle are placed on alarm pending this investigation,” ayon sa LTO. | ulat ni Merry Ann Bastasa