Giniit ni Senate Majority leader Francis Tolentino na kailangan ng legislative action para sa mga lokalidad na naihiwalay sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) gayundin sa pamamahagi ng mga posisyong naiwan ng Sulu sa parliamentaryo ng BARMM.
Una na ding pinunto ng COMELEC na kailangan rin ng aksyon mula sa Kongreso para makabuo ng lokal na posisyon sa LGU saklaw ang 63 barangay sa North Cotabato na bumoto sa referendum para mabuo ang walong munisipalidad sa ilalim ng BARMM.
Sa kasalukuyan kasi, walang kinabibilangan na probinsya ang walong munisipalidad na ito kaya naman ang mga botante dito ay maaari lang makaboto para sa mga senador, party-list representatives at parliament members.
Hindi sila pwedeng makaboto para sa gobernador, bise gobernador o sangguniang panlalawigan members.
Samantala, welcome rin para sa majority leader ang ginagawa ng COMELEC na paghahanda para sa pagpapatupad ng internet based voting para sa overseas filipino workers (OFWs) sa 2025 elections.| ulat ni Nimfa Asuncion