Nakiisa si Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor ‘Jonvic’ Remulla sa panawagan na agarang pagkilos ng bawat sektor kasama ang mga lokal na pamahalaan tungo sa disaster risk reduction.
Bahagi ito ng mensahe ni Remulla sa Local and Regional Government Assembly ng 2024 Asia-Pacific Ministerial Conference for Disaster Risk Reduction (APMCDRR).
Ayon sa kalihim, umaasa ito sa commitment ng mga LGU para agad makabuo ng plano at mga lokal na aksyon pagdating sa disaster risk reduction and management.
Sa panig naman ng DILG, na tumatayong vice chairperson sa Disaster Preparedness of the National Disaster Risk Reduction and Management, nangako itong patuloy na palalawakin ang kapasidad ng mga LGU sa Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) at maging sa Climate Change Adaptation.
Kasama na rito ang patuloy na paglalatag ng policy guidance, technical support at capacity interventions sa LGUs para masigurong may kakayahan silang tumugon sa tuwing may tatamang kalamidad o sakuna.
Kaugnay nito, iniulat ni Sec. Remulla na aabot na sa 87.87% ng LGUs sa bansa ang nakapagbalangkas na ng Local Disaster Risk Reduction and Management Plans habang 71% naman ang may sarili na ring Local Climate Change Action Plans. | ulat ni Merry Ann Bastasa