May limang teams ang naka-standby sa Region 6 na nakahandang tumulak sa Bicol Region para tumulong sa mga naapektuhan ng bagyong Kristine.
Sa nasabing bilang, tatlong teams ang mula sa Philippine Coast Guard Western Visayas, isang team mula sa Federation Fire Iloilo, at isang team mula sa Iloilo provincial government.
Inihayag ni Office of Civil Defense 6 director Raul Fernandez na hinihintay na lang nila ang advice mula sa kanilang central office kung kailan sila i-mobilize patungong rehiyong Bicol.
Nagpadala na rin ang opisyal ng dalawa nilang tauhan para sa operation center ng OCD Bicol upang tumulong sa kasalukuyang mga kaganapan doon.
Sa pinakahuling ulat na natipon ng OCD 6, may kabuuang 85,367 na pamilya na May 333,893 na tao ang naapektuhan ng bagyong Kristine sa Western Visayas.
Umaabot sa 392 ang totally damaged na mga bahay at 9,686 ang partially damaged.
Sa agrikultura, nasa PhP19 million ang mga nasirang palayan, gulayan, kabilang ang poultry at pangingisda.
Nasa PhP16.861 million ang naihatid at naipamigay na tulong tulad ng relief food packs ng Department of Social Welfare and Development sa mga naapektuhan ng bagyo.
Pinaalahanan naman ni Fernandez ang publiko na maging alerto dahil ngayon ay panahon ng tag-ulan at marami pang bagyong dadaan sa bansa. | ulat ni Bing Pabiona | RP1 Iloilo