Nagkaharap muli sina dating Sen. Leila De Lima at Ret. Pol. Lt. Col. Jovie Espenido sa ika-9 na pagdinig ng Quad Committee ng Kamara.
Ito’y walong taon matapos ang Senate inquiry noong 2016 kung saan idiniin ni Espenido si De Lima sa kalakaran ng iligal na droga sa loob ng New Bilibid Prison.
Sa interpelasyon ni Batangas Rep. Gerville Luistro, itinanong niya kay Espenido kung nakilala na niya bago pa ang Senate inquiry, sina Kerwin Espinosa at driver ni De Lima na si Ronnie Dayan.
Tugon ni Espenido na hindi pa niya nakilala o nakasalamuha ang dalawa.
Itinanggi rin niya na siya ang nagpakilala kay Espinosa kay Dayan.
Kasabay nito, kinumpirma ni Espenido ang testimoniya ni Espinosa noong nakaraang QuadComm hearing na inutusan sila ni Sen. Bato dela Rosa na noo’y PNP Chief na ayusin at pagtugmain ang kanilang mga salaysay na magdidiin kay De Lima.
“There’s also a testimony coming from Kerwin Espinosa that you and him were instructed to talk with each other to make sure that your testimonies against Sen. De Lima is consistent. Do you confirm this? Yes or No?” tanong ni Luistro kay Espenido.
“I confirm your honor.” sagot ni Espenido.
Tuluyan na ring binawi ni Espenido ang kaniyang mga naging pahayag sa ginawang imbestigasyon ng Senado noong 2016 kung saan idiniin niya si De Lima at iniugnay sa illegal drug trade.
“With your answers, to my questions Col. Espenido, this afternoon are you retracting al lthe testimonies that you gave against Sen. De Lima during that investigation?” tanong ni Luistro.
“Yes your honor.” mabilis na sagot ni Espenido.
Hindi na nahagip sa mikropono, ngunit nagpasalamat si De Lima kay Espenido na kaniyang katabi ng upuan.
Sa hiwalay naman na panayam kay De Lima, sinabi niyang ikinatuwa niya ang paglilinaw ni Espenido.
Aniya, pinapatunayan nito na gawa-gawa lang ang mga akusasyon sa kanya.
Itinuturing din aniya niya itong vindication mula sa mga paratang sa kaniya dahil alam niya sa sarili niya na wala siyang kasalanan at inosente siya. | ulat ni Kathleen Forbes