All set na rin ang Land Transportation Office (LTO) para sa pagtitiyak ng maayos, ligtas, at hassle-free na biyahe ng mga motorista ngayong Undas 2024.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II, iniutos na rin nito ang pagde-deploy ng sapat na mga LTO personnel sa major thoroughfares para umalalay sa mga motorista at mga biyaherong mag-uuwian ng probinsya.
Una na ring iniutos ni Mendoza sa lahat ng regional offices na tiyakin ang road worthiness ng lahat ng mga pampasaherong bus lalo na’t marami ang luluwas simula ngayong bisperas ng Undas.
Kasama sa direktiba nito ang pagsasagawa ng
random drug testing sa lahat ng mga bus driver at mga konduktor.
Ayon kay Asec. Mendoza, umaasa ito sa kooperasyon din ng mga kompanya ng bus para matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero.
“We expect the bus companies to do their part in ensuring safe travel for our kababayan. On the part of the LTO, the intervention is on the inspection of passenger buses and the conduct of random and surprise drug testing,” pahayag ni Asec. Mendoza.
Hinimok naman ng LTO ang publiko na planuhing mabuti ang kanilang biyahe, lalo na ang mga magko-commute papunta at pabalik mula sa kanilang mga probinsya, at pati na ang mga pupunta sa mga lugar na naapektuhan ng nagdaang bagyong Kristine at may banta ng bagyong Leon. | ulat ni Merry Ann Bastasa