Naglabas na ng Show Cause Order (SCO) ang Land Transportation Office (LTO) laban sa may-ari ng Tesla na nakabangga sa isang motorcycle backrider sa Sta. Rosa City sa Laguna noong Setyembre 25.
Sinabi ni LTO Chief Vigor Mendoza II na naglabas ng kautusan ang LTO kasunod ng viral video na ipinost sa isang online motoring news site tungkol sa aksidente malapit sa Nuvali sa lungsod.
Matapos ang insidente ng banggaan, tumakas ang driver ng Tesla.
Binigyan lamang ng LTO ng limang araw ang may-ari ng Tesla para isumite ang kanyang paliwanag.
Paalala pa ni Mendoza, ang kabiguan na magsumite ng paliwanag sa loob ng itinakdang panahon ay ituturing na isang waiver.
Kasunod nito ang pagpapasiya na ng pagsasampa ng kaso batay sa mga merito ng lahat ng ebidensya na hawak ng LTO.| ulat ni Rey Ferrer